"Modesty aside"
Si Mommy: Pinakamamahal na ina, asawa, kapatid at kaibigan
Gaya ng lahat ng bagay, ang buhay ng isang tao ay may dalawang di-mapapaghiwalay na bahagi para matawag nating buo. Ang umpisa-- ang pagsilang, at ang hantungan nito, ang pagkamatay. Ngunit gaya rin ng lahat ng bagay nasa proseso ng pagunlad at pagbabago ang makabuluhan at mahalaga sa yugto ng buhay. Nasa mga nagawa ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay sa mga naiwan at kanyang pamilya.
Ang buhay ni Mommy ay isang mabunga, masaya at fulfilled na buhay. Mula noong kabataan niya bilang isang anak, madami na siyang kwento kung paano sila lumaki sa isang bubong kasama ang kanyang siyam pang mga kapatid. Mula sa mga kwento sa ilog ng Oroc-osoc, sa panahon ng Hapon hanggang sa pagoorder ng french orange juice sa Aristocrat--- masasaya ang kanyang mga ala-ala at kanya itong inuulit-ulit sa amin kahit na hanggang sa mga huling sandali.
Nagmula siya sa Caramoan, Camarines Sur at nakapagaral sa Maynila. Malaunan ay nakilala niya ang aking Daddy at noong sila ay ikinasal ay dito na sila tumira sa Malolos. Madami siyang kwento kung paano ang isang di sanay magluto ay nageeksperimento sa kusina, kung paano maglalakad ng naka-high heels mula sa highway hanggang bahay, kung paano siya tumitingin sa train na dumadaan pag umaga hanggang sa mga kwentong panakot na may paa sa puno ng mangga. Dito na rin siya nagpakahusay bilang isang optometrist na nagumpisa lamang sa iilang mga frames at sa isang maliit na opisina. Sa kanyang clinic nakilala niya ang marami sa inyo.
Iniluluwas pa niya sa Maynila ang mga salamin para doon ipagawa at siyempre kasama kami kapag ginagawa niya ito. Sa Avenida ang matingkad na mga ala-ala ko kay Mommy, pagkababa sa Philippine Rabbit kakain muna kami sa isang soda-fountain bago pumunta sa may Quiapo.
Doon kahit wala nang pera si Mommy ay kanya pa ring pinagsisikapan na pakainin kami ng pinakamasasarap, binibilhan kami ng pinakabago na mga damit at pinababayaan kaming bumili ng mga pocketbook at libro kahit na siguro kulang na sila sa budget.
Sa personal, ako ay binilhan ni Mommy ng mga science books at encyclopedia--- paisa-isa bawa’t buwan. Hulugan. Dahil alam nya na gusto kong magbasa at magtanong. Kung wala siguro ng mga librong iyon, di ako magkakainteres sa agham at baka di ako nag-physics, di nag-PT si Jay at di nag-medicine si Gennette.
Hindi kami tinipid ng aming mga magulang. Hanggang sa nag-Saudi si Daddy bunsod ng krisis sa ekonomya, naipaparaos nilang dalawa ang aming mga pangangailangan sa eskwela at sa kabahayan. Mayroon na siyang high blood kaya madalas din sya noong magkasakit. Pero kahit sa iba ay tumutulong pa rin siya at nagbibigay ng kahit maliit na makakaya kapag lumalapit ang nangangailangan.
Pero sa harap ng mga ito, gaya ng kanyang palaging sinasambit “modesty aside”, naipagtapos niya kaming tatlo sa mga pinakamagagandang iskwelahan hanggang maging mga propesyonal. She is always proud to tell everyone how her daughter and two sons are, most probably knowing that we are a living proof to all her achievements despite her sacrifices.
Naenjoy ni Mommy ang kanyang huling mga taon. Nakapagikot siya sa US kasama si Daddy, nakita ang kanyang mga apo, sila Bea, Tyrone at Abby. Napakasal niya ang kanyang mga anak, nakita nya na maayos ang aming kinaroroonan sa ngayon.
Totoo, mamimiss ko si Mommy pero hindi ko na siya hahanapan pa ng iba— naibigay nya ang lahat sa amin, pagmamahal, kagamitan at pag-aaruga. Paalam nga ito para sa atin pero ang bigat nito ay mula sa pagiging makabuluhan ng kanyang buhay para sa ating lahat. Masayahin si Mommy at hindi niya gusto ang maging malungkot tayo sa kanyang pagkawala. Dapat lamang na maging masaya tayo na si Mommy, si Asela, ay naging bahagi ng ating buhay—bilang ina, asawa, kapatid at kaibigan.
Maraming salamat po sa lahat ng dumalo. Isang masigabong palakpakan po ang ibigay natin kay pinakamamahal na si Mommy. ###
Eulogy delivered on September 9, 2006
Barasoain Church, Malolos City